KWINTAS (SHORT STORY) - PART 1

 


“Ano ka ba Joshua, nakipagsuntukan ka naman d’yan sa kanto? Wala kang kadala-dala, sinabi ko sayo, huwag na huwag ka ng maglalaro ng Basketball, lagi ka na lang napapaaway!” Banggit ni Nanay Elsie sa kanyang anak na si Joshua, “E’ ‘Nay, sila naman po itong nag-umpisa ng away, paano -” sambit ni Joshua subalit pinutol agad siya ni Nanay Elsie, “Walang paano-paano, lagi ka na lang may dahilan pag nasasangkot ka sa mga gulo diyan sa kanto, di ka na nga nakakatulong dito sa bahay, puro problema pa ‘yang dinadala mo!” Sambit ni Nanay Elsie. “Hayaan niyo ‘nay, ‘pag ako naging sikat na basketbolista, mawawala lahat ng problema natin, pangako ‘yan” pahabol ni Joshua.

               Maliwalas ang paligid, maganda ang liwanag ng langit at napakasariwa ng simoy ng hangin, green na green ang kabundukan at napakatahimik ng lugar tuwing sasapit ang gabi. Ganito ang buhay nila Joshua kasama ang tatlo pa niyang maliliit at malilikot pang mga kapatid. Namayapa na ang kanilang ama dahil sa sakit nitong kanser kaya naman si nanay Elsie na lamang ang natitirang bumubuhay sa kanilang apat.

               Sa susunod na linggo, magtatapos na ng high school si Joshua at siguradong ihihinto siya ng kanyang ina dahil sa kawalan ng matrikula at tumulong na lamang sa kanyang pamilya. Hilig talaga ni Joshua ang paglalaro ng Basketball, sa katunayan, siya ang pinaka-magaling sa kanyang barkada, lagi silang nanalo sa mga kanto-kanto at pati sa mga paliga sa Barangay at sa eskwelahan.

               “Anak, tumigil ka muna sa pag-aaral, wala na tayong pera saka ‘di ko na alam kung paano ko pa kayo bubuhayin, tulungan mo nalang ako sa bukid at nang may makain tayo sa araw-araw” paliwanag ni Nanay Elsie, “Sige po ‘nay” sagot ni Joshua. Gustong-gusto mag-aral ni Joshua, sa katunayan isa siyang honor student, Salutatorian at gagawaran siya nito sa susunod na linggo.

               Dumating na ang araw na kung saan makukuha na ni Joshua ang kanyang pinakamimithing diploma at ang medalya sa kanyang paghihirap at pagpupursiging makapagtapos kahit high school lamang.

               “Ikinagagalak kong ipaalam sa inyong lahat, na ang lahat ng honor student sa batch na ito ay magkakaroon ng scholarship sa Maynila, sa Isang sikat na University sa kahit anong kursong inyong pipiliin” pahayag ni Mayor Salcedo, “Kaya binabati ko kayong lahat” Dagdag pa nito.

               Agad naman nagalak sa tuwa si Joshua at pagkatapos na seremonyas, agad na nilapitan ni Joshua ang kanyang ina upang sabihin ang balitang inihatid ni Mayor Salcedo. “’Nay, narinig niyo ba yung sinabi ni Mayor kanina, makakapag-aral ako sa Maynila,” tuwang-tuwang pahayag ni Joshua, “Paano yung pagkain mo ‘dun? Paano ang mga gastusin mo? Paano ang mga pang-project mo? Paano kaming mga iiwan mo rito? Diba sinabi ko sayo, hihinto ka na sa pag-aaral dahil paano ko bubuhayin ang mga kapatid mo na ako lang ang mag-isa?” Ani Nanay Elsie. “’Nay, maghahanap ako ng trabaho ‘dun, tutal naman Maynila ‘yun, mas maraming oportunidad ‘dun ‘Nay, o kaya sasali ako sa Basketball team nila, ‘Nay payagan niyo na po ako, please” pagmamakaawa ni Joshua, “Pangako ko po, di ko po malilimutang magpadala ng mga sulat at dadalaw naman po ako” dagdag pa ni Joshua, “Bahala ka!” Sagot ni Nanay Elsie.

              

               “’Eto anak, kumpleto na ang gamit mo, mag-ingat ka ‘dun a, pag-igihan mo ang pag-aaral” pangaral ni Nanay Elsie. “Opo ‘Nay, pagbalik ko po rito isa na akong engineer” Sagot ni Joshua, “Mag-ingat ka anak” sambit ni Nanay Elsie. Dumating na ang tricycle na maghahatid kay Joshua at sa iba pang mga estudyante sa sakayan ng bus pa-Maynila. “Bye Kuya Joshua” hiyaw ng mga kapatid ni Joshua.

               Habang naglalakbay ang bus na sinasakyan pa-Maynila, katabi niya sa bus ang kanyang kaibigan at 3rd honourable mention sa kanilang eskwelahan na si Jun, may kaya ang pamilya at balak talagang mag-aral sa Maynila. Nasa kabilang side naman ang valedictorian ng school na si Julia, maganda at may pangarap sa buhay, gusto ring maging engineer ni Julia kaya pareho sila ng kukuning kurso ni Joshua na Civil Engineering. Subalit, hindi sila gaanong nag-uusap, ayaw kasi ni Julia kay Joshua, dahil sa kompetisyon sa pagka-balediktoryan, ayon sa ilang mga guro nila Joshua, si Joshua dapat ang makakakuha ng valedictorian, kaso lang ay lagi itong umaabsent sa klase dahil sa trabaho sa bukirin kasama ang kanyang ina.


Itutuloy...

Comments

Popular posts from this blog

PINOY SPAGHETTI (Recipe)

PAGTITINDA NG GULAY AT PRUTAS, TALAGANG MABENTA!

IBA’T-IBANG URI NG MAKINA O ENGINE PARA SA SASAKYAN